POSO

860 17 0
                                    

POSO

Itago niyo na lang po ako sa pangalang Mercy, dalawampu’t isang taong gulang, nakatira po kami sa Naic, Cavite. Ang kinatitirikan ng bahay namin ay medyo liblib dahil malapit ito sa maliit na sakahan ng tatay ko. Wala na pala akong nanay dahil namatay ito sa sakit. Kaya lahat ng gawain sa bahay ay ako na ang umuubra, lumalaki na nga ang mga braso ko dahil sa pag-iigib sa poso namin.

Ang poso pala na iyon ay matagal ng nandoon, wala pa ang bahay namin ay ginagamit na ito ng mga magsasaka dati. Kahit magkaroon ng el ninyo ay hindi ito kailan man natuyuan, may kakaiba nga lang sa poso na iyon dahil tuwing hatinggabi ay may gumagalaw doon.

ISANG gabi na ako lang mag-isa sa bahay, hindi ako nakapag-igib ng hapon dahil nakatulog ako sa pakikinig ng mga kuwento, kaya dali-dali akong tumungo sa likod bahay upang umingib. Ayuko ko kasing abutan ng malalim na gabi, bukod kasi sa nakakatakot na puno ng akasya na katabi lang mismo ng poso ay walang pang ilaw doon.

Habang tinataas-baba ko ang hawakan ay panay na ang pasok ng mga nakakatakot sa isip ko, pakiramdam ko rin ay napakatagal mapuno ng mga balde... Hanggang sa napuno ko na ang dalawang balde, wala namang nagparamdam. Pero nang bubuhatin ko na ito ay bigla na lang may humawak sa isang balde, kitang-kita ko ang pigurang kamay na naroroon. Nagsitayuan agad ang mga balahibo ko sa katawan, naginginig na rin ang mga kamay kong nakahawak pa rin sa balde.

Nang sandaling iyon ay wala akong maisip na gawin kundi ang bitawan ang mga balde at tumakbo na, subalit ang katawan ko ay ayaw sumunod sa dikta ng isip ko. Natuod na ako sa kinatatayuan ko dahil kapag gumalaw ako ay baka gumalaw din ang pakiramdam ko’y nilalang sa likuran ko. Nandoon pa rin ang kamay niya, halos maiyak na ako sa takot. Mabuti na lang ay may narinig akong mga tao papunta sa kinaroroonan ko.

Doon na ako kumaripas ng takbo at nakasalubong ko pa nga ang mga taong iigib din sa poso. Pagpasok ko sa bahay ay binuksan ko lahat ng ilaw. Hindi na rin ako nakakain pa dahil pakiramdam ko ay nandoon pa rin ang nilalang na 'yon.

KINAUMAGAHAN ay dumating ang tatay ko at mga kapatid, nanggaling kasi sila sa anihan sa kakilalang may palayan sa karatig. Hindi ko matiis na hindi sabihin sa kanila ang nangyari dahil para akong mababaliw kung sasarilinin ko lang.

“Sus! Mercy, malaki ka na para magpapaniwala sa mga bagay na hindi naman totoo. Itigil mo na kasi ang pakikinig sa mga nakakatakot na 'yan.”

Nasa isip ko na talaga na hindi sila maniniwala sa akin, naisip ko rin ng sandaling iyon na sana ay maranasan din nila ang naranasan ko. Mula nang mangyari iyon ay hindi na ako nagpapaabot ng gabi maging sa hapon ay hindi na ako umiingib. Wala naman kasi akong magagawa dahil ako lagi ang naiiwan sa bahay kapag nasa trabaho ang tatay ko at ang dalawa kong kapatid. Umiingib lang sila kapag nakikita nilang napapagod na ako, wala e, bunso kasi ako.

Makaraan nga lang ang dalawang buwan, inutusan ni tatay ang isa kong kapatid na mag-igib dahil walang panghugas sa plato. Gabi na iyon dahil naghahapunan na kami no’n, wala pa ngang limang minuto ay nagsisisigaw na ang kapatid ko habang papasok sa bahay.

“Tay! May kumalabit sa akin sa poso!”

Kitang-kita ko ang takot sa mukha ng kapatid ko pero hindi pa rin naniniwala ang tatay ko, pinagalitan pa ito.

“Lintek naman James! Pati ba naman ikaw ay naniniwala sa mga ganiyan?! Ang tagal-tagal na nating nakatira rito ay bakit ngayon lang kayo nag-iinarte ng ganiyan?”

Nang mga oras na iyon ay naawa ako sa kapatid ko dahil maluha-luha na lang itong pumasok sa kuwarto niya. Totoo ang sinabi ng tatay ko na matagal na nga kami sa bahay na iyon, pero nagtataka nga ako dahil bakit kamailan lang nagkaroon ng mga ganoong kababalaghan sa poso na iyon.

[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Where stories live. Discover now