Untitled Part 25

44 5 1
                                    

"Nahanap na ba nila kung saan nakatago ang mga armas?" hinihingal na tanong ni Editha habang tumatakbo pa rin kami sa kakahuyan. Hingal na hingal na ako. Ramdam ko na rin ang pagtulo ng pawis ko. Kung p'wede lang talagang tanggalin ang paldang 'to na sobrang bigat, ginawa ko na.

"Hindi pa. Kaya hindi ko rin alam kung bakit nila pinag-iinitan ang nayon na iyon. Marahil ay may tumangging magpahalughog ng bahay kaya nagkagulo," ani Isko na nangunguna sa amin sa paglalakad. May kinuha siyang itak na nakasabit sa kanyang tagiliran at inabot iyon kay Editha. Agad naman itong nasalo ni Editha at naghanda sa pag-atake kahit hindi pa naman namin nararating ang daang dadaanan nina Norma.

"Dahil lang sa tumanggi?" hindi makapaniwalang tanong ko. Bahagyang inangat ni Editha ang kanyang saya at may kinuha roon na nakatagong punyal. Inabot niya ito sa akin. Kinuha ko ito kahit naguguluhan ako. Aanhin ko 'to? Anong laban nito sa mga baril ng Guardia Civil?

"Kahit sino, papatayin nila oras na komontra sa kanilang pamamalakad. Walang ino-inosente rito, Monica. Ganyan sila kasahol. Hindi ba't pati mga batang lalaki ay pinagpapatay nila? Mga wala silang puso," diin na sagot naman ni Editha. Sobra nga talaga ang dahas ng mananakop ngayon. Nakita ko kanina kung paanong walang kakurap-kurap na pinagbabaril ng ibang Guardia ang mga taong hindi naman nanlalaban sa kanila. 'Yong kabang nararamdaman ko kanina pa ay napalitan na ng galit.

"Tigil," mahinang wika ni Isko at sabay-sabay kaming nagtalungko. Sa bandang ibaba ng kakahuyan ay nakita namin ang isang kartela na dala ng dalawang Guardia. Sa bandang unahan nila ay may tatlong Guardiang nakabantay. De bale lima sila. Tatlo lang kami. "Ganito ang gagawin natin," ani Isko at nagplano na kami kung paano lulusob. Kinakabahan ako. First time kong sasabak sa ganitong paglusob.

Matapos magplano ay nagtakip kami ng mukha ni Editha gamit ang kanya-kanya naming balabal. Buong ulo namin ang natatakpan maliban sa mga mata. Naunang lumapit si Isko. Ako naman ay patagong naglakad sa bandang likuran ng kartela na may bagon sa likod. Rinig na rinig ko ang iyakan ng mga tao sa loob. Nakita ko na rin si Editha na patagong bumaba para gilitan ng leeg 'yong dalawang Guardiang nagmamaneho ng kartela. Matapos mapatay ni Editha nang sabay ang dalawang Guardia, agad kong binuksan ang pinto ng bagon kasabay no'n ang tatlong sunod-sunod na putok ng baril na pinakawalan ni Isko. Mabilis na natumba ang tatlong Guardiang nasa unahan.

Agad kong kinalagan ang makakapal na taling nakatali sa kamay ng mga bihag gamit ang punyal na inabot sa akin ni Editha. Ang lakas ng iyakan ng mga kababaihan. May ibang nagsasalita pero wala na akong maunawaan dahil sabay-sabay sila. Tinulungan naman ako ni Editha na palabasin ang mga bihag pagka'y nagsitakbuhan na kami pabalik ng kagubatan bago pa man matunungan ng ibang Guardia na galing sa amin ang putok ng baril na iyon.

May kasama kaming dalawang bata, isang dalaga, at tatlong Ina ngayon. Lahat sila ay babae.

"Maraming salamat sa pagligtas sa amin," ani Alisha na hapong-hapo na ngayon at hindi niya rin binibitawan si Norma. "Utang namin sa inyo ang aming buhay." Napasulyap sa akin si Alisha kaya agad akong yumuko at umiwas ng tingin. Gano'n din ang ginagawa ni Editha. Nandito kami sa bandang likuran habang si Isko pa rin ang nangunguna sa paglalakad. Hindi ko alam kung saan kami pupunta.

"Walang ligtas na lugar dito," seryosong wika ni Isko. "Mabuti pa'y maghiwa-hiwalay tayo at magpanggap na hindi tayo kabilang sa naganap na pagsugod kanina. May iba pa ba kayong kamag-anak na mapupuntahan?"

Umiling sina Alisha at Norma habang iyak pa rin nang iyak. Sandali. Parang may kulang. Nawawala ang kanyang tungkod. Nang magsimulang maghiwa-hiwalay ang mga kasama ko, agad kong hinawakan ang braso ni Norma at Alisha dahilan para mapalingon sila sa akin. Nanlalaki ngayon ang mga mata ni Alisha nang makilala ako. "Nais ko mang isama kayo sa akin ngunit tiyak na malalaman ito ni Boss Adriano," mahinang wika ko sa kanila. "Hindi ako sigurado kung hindi siya kakampi sa mga Kastila."

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now