Untitled Part 18

46 6 1
                                    

Nauna nang umuwi si Vida at nagpaalam naman ako sa kanya na hindi ako magtatagal lalo pa't malapit na ang curfew. Mukha kasing emergency itong pag-uusapan namin ni Senyora Malou. Nandito kami ngayon sa café kung saan kami nagkape nina Javier, Pedro, at Vida noon. Dahil ala-cinco na, kakaunti na lang ang tao rito.

"Isoot mo ito," mahinang wika ni Senyora Malou sabay abot ng pulang porselas sa kamay ko. May pulang beads ito tapos may maliit na pulang tela na parang may laman. Alam niyo 'yong isinosoot sa mga sanggol at buntis? "Upang hindi ka nila lapitan," dugtong niya sabay turo sa soot niya ring bracelet. Pareho kami. Naks! Friendship bracelet.

"Sino pong lalapit?" kunot-noong tanong ko habang sinosoot ang bracelet. Maganda ito. Bagay sa balat ko. Mas tumingkad ang kaputian ko.

"Ang mga taong hindi natin nakikita," halos pabulong na sagot niya sabay gala ng tingin na para bang may kinatatakutan siyang nilalang. I get it! Hindi ako nakapagsalita. Pero hindi p'wedeng hindi ako lapitan ni Atticus. May kailangan ako sa kanya. "Hindi kita kilala, Monica. Inaamin ko, wala dapat akong pakialam sa iyo ngunit aking nararamdaman na ikaw ang makakatulong kay Ofelia."

Mabilis akong napakurap. "Naniniwala po ba kayo sa mga engkanto?" bulong ko na kinalaki ng kanyang mga mata. Napalunok muna ako. Lumalakas din ang kabog ng aking dibdib kasabay ng paglamig ng aking mga kamay at pagyakap sa akin ng malamig na hangin. "Hawak po nila si Ofelia."

Tumango si Senyora Malou. "Alam ko. Paano mo nalaman?" Kahit naka-lipstick siya, halata sa kanyang mukha ang pamumutla. Nanginginig na rin ang kanyang mga kamay.

"May isa pong engkanto ang nagpakita sa akin. Dalawang beses niya na po akong dinala sa mundo nila ngunit hindi ko po makita si Ofelia," sobrang hinang wika ko sabay gala ng tingin sa paligid dahil baka may nakikinig na sa amin.

"Hinanap mo ba siya?"

Umiling ako. "Ilang minuto lang po ang itinatagal ko roon. Natatakot po akong maglakad-lakad sa mundong iyon lalo pa't malawak itong gubat. Matatangkad ang mga puno. Kakaiba po siya kumpara sa gubat natin dito."

Hindi agad siya nakapagsalita. Parang nagtataka siya sa mga sinasabi ko. Hindi ba siya naniniwala? "Paano ka nakakabalik, Monica? Ang mga napapadpad doon ay hindi na nakakabalik pa. O kung makabalik man ay wala na sa sariling pag-iisip."

Napaiwas ako ng tingin. Anong gusto niyang sabihin? Na nababaliw na ako? Alam ko sa sarili ko na matino pa ang pag-iisip ko. "May tumutulong po sa akin upang makabalik nang maayos dito. Mabait po siyang engkanto."

Mabagal siyang umiling. "Huwag kang magtitiwala basta-basta sa kanila. Magaling silang magbalat-kayo, makuha lamang ang kanilang nais. Sa susunod na mapunta ka sa kanilang mundo, huwag kang magtitiwala sa kahit na kaninong taga-roon. Tiyak na iyong ikapapahamak. Ngunit sa ngayon, iwasan mo muna sila. Ihahanda kita upang mailigtas si Ofelia. Ngunit bago iyon, handa ka bang tulungan si Ofelia?"

Walang pagdadalawang-isip akong tumango habang diretsong nakatingin sa kanyang mga mata. Mas lalong umigting ang pag-asa niyang gagawin ko ang lahat para sa misyong ito. Kahit papaano ay nabawasan ang kanyang takot at pangamba.

"Nabanggit niyo po na ang mga napapadpad doon ay hindi na nakakabalik, o kung makabalik man ay wala na sa tamang pag-iisip," sabi ko at saglit na napatigil. Nakatingin lang siya sa akin. "Paano po si Ofelia?"

Huminga siya nang malalim at mabagal na tumango. "Tiyak na may lunas... at naroon iyon sa kanilang mundo. Kailangan mong mahanap at madala iyon kasabay ng inyong pagbabalik ni Ofelia."

"Sandali," sambit ko. Bigla na lang din lumakas ang kabog ng aking dibdib. "Ibig sabihin, kapag hindi ko nakuha iyon, pati po ako ay mababaliw sa oras na makabalik ako rito?"

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now