Untitled Part 21

45 4 3
                                    

May barya pa naman akong dala kaya may pamasahe pa ako papunta kay Senyora Malou. Alam ko na kung saan ang bahay niya dahil minsan na akong nakapunta roon. Madali lang din siyang hanapin dahil kilala siya ng mga tao sa kabilang bayan.

Nagpababa ako sa plaza ng bayan ng San Lucas. Ang daming tao. Palibhasa magtatanghali pa lamang. Hindi rin nagkakalayo ang bayang ito sa Las Casas. Pero ang pinagkaiba lang, hindi ako pinagtitinginan ng mga tao. Kung wala lang talaga sa Las Casas ang lagusan papunta sa mundo nina Atticus, hindi na ako babalik doon, e. Gusto ko na ulit mabuhay nang tahimik.

Napahawak ako sa aking tiyan nang makaramdam ako ng gutom. Naghanap muna ako ng makakainan habang nagtatanong-tanong kung saan ang daan papunta sa bahay ni Senyora Malou.

"Isa po nito---" sabi ko sa tindera ng kakanin pero napatigil ako nang may isang palad ang nakalahad ngayon sa harapan ko. Isang matandang pulubi na nakayuko. "Tatlo na po," sabi ko. Binigay ko sa matandang pulubi ang dalawang kakaning nakalagay sa dahon ng saging habang sa akin naman ang isa. Maliban sa madungis siya, nangangamoy na rin siya. "Lola, wala po ba kayong kapamilya rito? Nasaan po ang mga anak niyo?" tanong ko dahil hindi pa rin siya umaalis sa tabi ko habang pareho kaming kumakain ng latik.

"Huwag mo na silang hanapin," nahihirapang wika niya. Paos na paos na rin siya. Baka dala na rin ng katandaan. "Hindi ba't ikaw itong may hinahanap?"

Napatigil ako sa paglalakad at napaharap sa kanya. "Alam niyo po kung nasaan si Senyora Malou?"

Umiling siya nang mabagal. Nakayuko pa rin siya kaya nahihirapan akong makipag-usap nang maayos. "Hindi mo ba pansin? Naliligaw ka na naman, iha."

"Po?" naguguluhang wika ko. "Alam ko po kung nasaan ako at kung paano ako uuwi. Hindi ko lang po mahanap ang bahay ni Senyora Malou. Kilala niyo po ba siya?"

Umiling na naman siya nang mabagal. "Paikot-ikot ka sa paghahanap. Nang mahanap mo na, naliligaw ka na naman. Hanggang kailan ka maghahanap? Ako itong napagod sa iyo."

"Ha?" sambit ko. Shuta! Nahilo ako sa mga pinagsasasabi niya. "P'wede po bang diretsuhin niyo na lang ako? Ano po bang sinasabi niyo?"

Umiling na naman siya nang mabagal at saka kumain ng latik. Nagsimula na rin siyang maglakad. Agad akong sumabay sa kanya. "Hindi ko maaaring sabihin. Isang beses lang kitang maaaring tulungan. Huwag kang abusado," aniya na lalong kinagusot ng mukha ko. Baliw ba 'to? Ako ang tumulong sa kanya. 'Tsaka ngayon lang kami nagkita, 'no. "Ngunit totoong paikot-ikot ka lamang sa paghahanap. Masyado ka nang nagtatagal dito. Kailangan mo nang bumalik."

"Kakarating ko lang po," sabi ko. Gusto ko na siyang iwan pero may parte sa akin na parang may gusto siyang iparating. Bakit ayaw niya akong diretsuhin? "Lola, ano po bang gusto niyong sabihin? Pakiusap, sagutin niyo naman po ako nang maayos."

Mabagal na naman siyang umiling. Napasimangot na lang ako. Gusto kong umiyak! "Hindi ka matutulungan ni Malou. Ngunit may alam si Esme pangontra sa kapangyarihan ng mga engkanto. Hindi niya pa iyon natatapos kaya kailangan mong maghintay."

Mabilis akong napakurap at napatigil sa paglalakad. Alam niya! "Sandali," sabi ko habang unti-unting lumalakas ang kabog ng aking dibdib. Kaso hindi siya tumigil sa paglalakad. "Sino po ba talaga kayo?"

Napatigil siya sa paglalakad. Mabagal siyang lumingon at sa unang pagkakataon, nakita ko ang kulubot niyang mukha na nakangiti sa akin ngayon. Hindi ko alam kung hallucination lang pero nagiging kahawig niya si Ofelia, sunod ay si Sir Peter. "Hindi na mahalaga," ngisi niya bago tumalikod at naglakad palayo sa akin.

"Sandali po," sabi ko at saka siya hinabol agad kaso nang may dumaang tao sa harapan ko, sa isang iglap ay nawala na ang matanda sa aking paningin. Para bang isa siyang bulang naglaho sa hangin. Iginala ko pa ang tingin ko pero wala na siya. Bakit niya kamukha si Ofelia at Sir Peter? Sino ba talaga siya?

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now