Untitled Part 24

42 6 2
                                    

Gusto ko sanang kunin ang kahoy na cini-claim ni Norma na tungkod niya raw. So tamang babaylan nga siya. Kaso hindi ko makuha dahil hindi naman sa akin 'yon.

Pagkatapos sabihin ni Norma na ako raw ang tinutukoy ng matanda sa San Lucas, nawalan na naman siya ng malay. Wala na naman akong nakuhang matinong sagot.

Binato ko sa lawa ang napulot kong bato sa tabi ko at saka napahiga sa damuhan. Napatitig ako sa bughaw na kalangitan. Sa himpapawid ay may nagliliparang ibon. "Bakit pa ako pinapunta rito ng matanda?" tanong ko kay Boss Adriano na nakaupo sa damuhan habang nakasandal doon sa puno. Medyo malayo siya sa akin. Para ngang hindi kami magkasama, e. Siesta ngayon kaya walang tao sa paligid namin. Isa pa, hindi naman talaga tinatao sa banda rito. "Ang gulo niya. Ang sabi niya sa akin, hindi ako matutulungan ni Senyora Malou. Si Manang Esme raw ang makakatulong sa akin. Pero kailangan kong maghintay dahil hindi pa tapos si Manang sa kanyang ginagawang panlaban sa kapangyarihan ng mga engkanto."

Medyo nakakunot ang noo ni Boss Adriano habang nakatingin sa lawa, mukhang malalim ang iniisip. Parang hindi naman siya nakikinig sa akin. Ano ba 'yan! Sayang ang laway ko.

"Tapos sabi ni Norma, ako raw ang tinutukoy ng matanda sa San Lucas. Sarili ko lang daw ang makakatulong sa akin."

"Marahil," sambit ni Boss Adriano tapos saglit na napatigil. "Marahil ay kailangan mong paghandaan ang pagpunta sa kanila. Ikaw ang nais na ihanda ni Manang Esme."

Turn ko naman para mapakunot-noo. "Paano niya ako ihahanda kung tulala siya palagi?"

Mahina siyang bumuntong-hininga at napatingala na lang din sa kalangitan. "May dahilan kung bakit ka pinapunta rito ng nakausap mong nilalang. At may dahilan kung bakit nais ka niyang maging handa. Kung ano iyon, ating tutuklasin."

"Atin?" sambit ko.

"Oo." Bumaba ang tingin niya sa akin. "Gamit ang kahoy na iyon, itinuro ni Manang Esme sa iyo si Norma na isang babaylan. Tila mas maraming nalalaman ang batang iyon tungkol sa mga engkanto. Iyon nga lang ay hindi natin siya nakakausap nang maayos dahil tila ayaw kang tulungan ng kanyang kausap."

Ibinaling ko na lang ang tingin sa kalangitan at saka huminga nang malalim. "Sino kaya ang kausap niya? Iisa lang ba ang matandang nakausap ko sa San Lucas, ang matandang may katarata, at ang kinakausap ni Norma?" Bigla ko ring naalala na nag-anyong Ofelia at Sir Peter 'yong matanda. Paiba-iba siya ng anyo. Sabi ni Manang Esme noon, kayang magbago ng anyo ang mga engkanto.

Kung engkanto ang kausap ni Norma, bakit parang medyo tinutulungan niya ako pero may pag-aalinlangan?

"Sobrang gulo!" Umupo ako at saka pinagtatampal ang pisngi ko. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Inaantok na rin ako. Naglakad ako palapit sa lawa para roon maghilamos. Ilang sandali lang ay napatitig na ako sa tubig. Medyo umaalon pa ito. Nang kumalma ang tubig, saka ko lang nakita nang maayos ang reflection ko. Sa tabi ko ay nakatayo si Boss Adriano at nakatingin din sa tubig. "Ofelia," sambit ko at saka napakunot ang noo. "Sa tingin mo, sinungaling ba si Ofelia?" tanong ko sa reflection ni Boss Adriano.

"Bakit mo itinatanong iyan?" Parang na-offend siya sa pagkakatanong ko.

Umiling ako. Nanatili akong nakatalungko habang nakatingin sa reflection namin. "Minsan ko nang nakausap si Ofelia. Humingi siya ng pabor sa akin."

"Nakausap mo siya? Hindi ba't sabi mo'y hindi pa kayo nagkikita?"

Napakagat ako sa labi ko. Oo nga pala. Pero tama bang sabihin ko sa kanya na galing ako sa ibang panahon? P'wede siyang maniwala sa akin. Pero nangako rin ako kay Manang Esme na wala akong pagsasabihan na galing ako sa hinaharap. Sabi niya kasi ay delekado.

"Sa panaginip," sabi ko. Base sa reflection niya, nakatingin siya sa likuran ko. "Nagparamdam siya sa akin sa panaginip. Humihingi siya ng tulong. Sabi niya, tulungan ko raw siya na kumbinsihin si Manang Esme na maturuan magbasa at magsulat si Enchong. Kahit daw kasi siya ay takot kay Manang. Tapos may sinabi pa siya sa akin. Alamin ko raw ang lihim ng Las Casas." Hindi ko masabi ang lihim ng Unibersidad de Monica gayong wala pa iyon ngayon. Mas okay na yatang sabihin ang Las Casas tutal nasa Las Casas naman ang school. "Kaya ako nandito dahil sa panaginip na iyon na hindi ako pinatatahimik. Hindi ko naman talaga kilala si Ofelia. Pero pagkarating ko rito, bigla kong malalaman na nasa mundo siya ng mga engkanto." Nilingon ko siya dahilan para magtama ang tingin namin. "Sa tingin mo, bakit siya nagpakita sa akin? Bakit hindi na lang sa 'yo? O sa mga taong malalapit sa kanya? May kaibigan ba siyang p'wedeng malapitan? Ito ang mga tanong sa isipan ko na hindi pa rin nasasagot hanggang ngayon. Kaya tinatanong ko sa inyo kung ano ang pagkakakilala niyo kay Ofelia dahil baka may makuha akong sagot doon."

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now