Untitled Part 7

37 6 0
                                    

Hindi pa rin ako makagalaw. Nanginginig din ang mga labi ko. Oras na magsabi ako ng totoo rito, hindi siya maniniwala sa akin. Papatayin niya ako. Kapag nagsinungaling naman ako, para ko na ring binastos ang Diyos dito. Hindi ko kaya.

Mariin akong napapikit at napapitlag nang makarinig kami ng malakas na tunog mula sa labas. Parang may nabasag. Nagmadaling lumabas ang pari na nasa kabilang pader pero nanatiling nakatayo sa likuran ko si Heneral Adriano. Hindi niya pa rin binibitawan ang leeg ko. Isa siyang Heneral pero parang wala siyang pakialam kung nagkakagulo na sa labas. Ang nasa isip niya lang ngayon, si Ofelia. Grabe ang tama sa kanya ng babaeng 'yon. Handa siyang pumatay para rito.

"Saan niyo ba talaga itinatago si Ofelia?" bulong niya na naman. Mukhang hindi ako makakalabas dito nang wala siyang napapala.

Kahit nahihirapan, pinilit kong huminga nang malalim at dumilat. Gusto ko siyang tingnan nang diretso para masabi niya sa kanyang sarili na hindi ako nagsisinungaling. Kaso hindi ko siya malingon. Tuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha ko pero may tapang na ngayon sa mga mata ko. "Hindi ko siya itinatago. Tulad niyo, gusto ko rin siyang mahanap sa lalong madaling panahon dahil sawang-sawa na ako sa mga pagdududa niyo na parang ang sama-sama kong tao. Nadamay lang naman ako rito," mahina at mariin na litanya ko para maramdaman niya na hindi ako nagbibiro. "Kung nandito lang si Ofelia, magagalit siya sa 'yo dahil pinagbabantaan mo ang buhay ng taong makatutulong sa kanya."

Hindi siya nakasagot sa sinabi ko. Para bang may iba na naman siyang napagtanto. Hindi lang palasalita si Heneral Adriano pero alam kong mabilis siyang mag-isip. Sinasabi ko pa lang ang mga bagay-bagay, marami nang nabubuo sa kanyang utak. Matalino siya. Kaso nagkakamali siya ng pinagbibintangan ngayon. Masyado siyang nilalamon ng poot, lungkot, galit, sakit, at lumbay.

Nagulat ako nang marahas niyang kunin ang mga kamay ko at pinwesto sa aking likuran. Sa sobrang bilis ng pangyayari, namalayan ko na lang na nakatali na ang mga kamay ko at hinihila niya na ako palabas ng confession room. Dahil abala ang mga tao sa nangyari kanina, hindi nila kami napansin ni Heneral Adriano na lumabas ng simbahan. Nando'n kasi silang lahat sa altar at pinagtutulungang pulutin ang nabasag na rebulto ng isang santo.

"Saan mo ako dadalhin?" tanong ko habang pilit nagpupumiglas. Masyadong mahigpit ang pagkakatali ng mga kamay ko kaya hindi ko ito makalas. Kada igagalaw ko naman ang kamay ko, mas lalo lang itong humahapdi. Hindi ako sinagot ni Heneral Adriano. Halos itulak niya ako paakyat ng karwahe bago pa may ibang makakita sa amin. "Sisigaw ako rit---" Hindi ko na natapos pa ang sinasabi ko dahil agad siyang naglabas ng itim na panyo, umakyat din sa karwahe, at saka binusalan ang bibig ko. Napadaing ako sa sakit dahil sobrang higpit nito. Maluha-luha ko siyang tiningnan nang masama. Ang dami kong gustong sabihin kaso hindi ako makapagsalita. Tanging ungol lang ang nagagawa ko.

Tinulak niya ako pasandal sa upuan habang seryosong nakatingin sa akin. Mababa ang bubong ng karwahe kaya nakayuko siya sa akin ngayon. Isang dangkal lang ang layo ng mga mukha namin kaya rinig na rinig ko ang malalim niyang paghangos. Mukhang napagod din siya sa mga pinanggagagawa niya sa akin. "Hangga't hindi nahahanap si Ofelia, sa akin ka muna," bulong niya bago bumaba ng karwahe. Natulala na lang ako sa sinabi niya. Naramdaman ko na lang na tumatakbo na ang karwahe.

Ano raw? Sa kanya na muna ako hangga't hindi nahahanap si Ofelia? Paano kung hindi na nila mahanap si Ofelia? Nababaliw na siya!

Pilit akong nagpumiglas mula sa pagkakatali ko. Sinusubukan ko ring buksan ang pinto para tatalon na lang ako palabas kaso mukhang ni-lock niya iyon mula sa labas. Parang tinalian niya rin ang pinto. Wala naman kasi itong lock. Wala rin akong makita sa labas dahil nakasara ang mga bintana.

Pinanghihinaan na ako ng loob. Napapagod na rin ako at hindi masyadong makahinga dahil nakabusal ang bibig ko. Buti na lang talaga at wala akong sipon ngayon. Kung hindi, bangkay na ang madadatnan dito ni Heneral Adriano.

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now