Untitled Part 22

47 6 2
                                    

Gusto ko sanang maglakad-lakad sa loob ng barko habang nasa byahe kaso baka makita ako ni Editha. Mas minabuti ko na wala siyang alam na nandito kami sa iisang barko. Baka kasi takasan niya pa ako. Nakakulong lang tuloy ako sa k'warto, nakatanaw sa bintana habang nag-eemote. Kainis! Ang lungkot ng byahe kahit na may iilan namang isla akong nakikita mula sa bintana. Lumalabas lang ako kapag kakain na pero mabilisan lang din. Kailangan ko agad bumalik sa k'warto. Palagi akong nakayuko soot ang balabal para siguradong hindi ako mamukhaan ni Editha. Minsan lang naman kaming nagka-usap kaya siguradong hindi pa ako gano'n kapamilyar sa kanya.

Sana!

Bitbit ang mini-bayong ko na may lamang pera, nakayuko akong lumabas ng k'warto. Sakto namang kakalabas lang ni Editha kaya palihim ko siyang sinundan. Kailangan kong talasan ang paningin ko dahil baka mawala siya sa dami ng taong pababa ngayon ng barko. Nandito na kami sa Laguna. Siksikan ang mga tao kaya pino ang lakad namin para hindi magkabanggaan. Pinauna na naman siguro kasing lumabas 'yong mayayaman. Gano'n naman lagi.

Nakita kong sumakay si Editha sa isang karwahe kaya naghanap agad ako ng bakanteng karwahe para pasundan siya. Gusto kong pagmasdan kung gaano kaganda ngayon ang Laguna pero kailangan ko ring tiyakin na hindi siya mawawala sa paningin ko. Tumigil si Editha sa tapat ng isang hostel. Doon din ako nagpatigil. So nag-check-in muna kami pareho. Maliit lang ang hostel na ito. Siguro ay mayroon lang itong sampong silid. Kinuha ko 'yong pinakamura at maliit. Wala naman kasi akong dalang masyadong gamit. Isa pa, nagtitipid ako. Kahit malaki ang dala kong pera, hindi pa rin ako sigurado kung hanggang kailan ako rito.

Nagpapahinga ako sa silid ko nang makarinig ako ng katok mula sa labas. "Sino 'yan?" tanong ko pero hindi siya sumagot. Palakas nang palakas ang katok niya kaya naiinis na ako. Ganito ba ka-rude ang mga tao rito? "Sino ba 'yan---" Pagbukas ko ng pinto, agad akong natigilan nang makita si Editha na nakatingin sa akin. Hindi na siya nagulat nang makita ako. Agad niya akong tinulak papasok at saka niya sinara ang pinto.

"Sinusundan mo ba ako?" mahinang tanong niya nang may kunot sa noo. Mariin akong napalunok. Hindi ko rin maalis ang tingin sa kanya. Agad kong nahawakan ang mini-bayong ko. May laman itong mga barya. Kapag sinaktan niya ako, ihahataw ko 'to sa mukha niya. "Bakit? Sinong nag-utos sa 'yo?"

Umiling ako. "W-Walang nag-utos sa akin. Gusto ko lang makita si Manang Esme," kinakabahang sagot ko nang hindi inaalis ang tingin sa kanya.

Lalong kumunot ang noo niya. "Ano namang kinalaman ko kay Manang Esme?"

Tipid akong ngumiti. "Alam kong kasamahan mo sila, Editha. Huwag kang mag-alala, hindi ko ipagsasabi sa iba." Medyo namilog ang mga mata niya. Maliban kasi sa pagiging tagapamahala ng silid-aklatan ng mga Abalos, isa ring propesor si Senyor Gregorio. Tiyak na masisira siya kapag nalamang ang anak niya'y kasapi ng mga rebelde. "Sinigurado ko rin na walang nakasunod sa akin para hindi nila matunton si Manang Esme."

Napaiwas siya ng tingin sabay hinga nang malalim. Medyo naguguluhan din ang kanyang mga mata. "Bakit ganito na lamang ang iyong kagustuhan na mahanap si Ofelia? Sino ka ba talaga?" Sinamaan niya ako ng tingin. Malamang, gusto niya lang makakuha nang totoong sagot.

"Hindi na mahalaga kung sino ako. Hayaan mo lang sana akong mahanap si Manang Esme. Pangako, hindi ako manggugulo," sabi ko sabay taas ng kanang kamay. Tiningnan niya lang ako pero hindi siya sumagot. "Ayaw mo man lang bang matulungan si Javier na mahanap ang kanyang kapatid?"

Napakunot-noo na naman siya. "Ano ba talagang alam mo?" mahina pero may diin na tanong niya.

Napangiti ako. "Na nagmamahalan kayo?"

"Hindi totoo 'yan," sambit niya at saka ako iniwan sa loob ng silid. Malakas akong bumuntong-hininga at napaupo sa maliit na kama na may manipis na sapin. Huli na, itatanggi pa. Sus! Pero sabagay, kaligtasan lang din ni Javier ang iniisip niya. tiyak na magagalit ang kanyang mga kasamahan kapag nalaman ang tungkol dito. Siguro ginawa siyang espiya sa puder ng mga Abalos. Ewan, naguguluhan pa rin ako kung paano sila humantong sa ganitong sitwasyon.

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now