Untitled Part 23

43 7 2
                                    

"Alisha," tawag ko sa kanya nang abutan ko siyang nagsisiga dahil gagawa raw siya ng sinunog na bigas. Masarap daw na inumin iyon at masustansya. Nandito kami sa likod-bahay nila. Puro kakahuyan dito at walang ibang tao. Kinakabahan nga akong sumama, e kasi baka mapahamak na naman ako. Pero naisip ko na nandiyan naman 'yong dalawang panay sunod sa akin. Hindi ko sila nakikita pero ramdam kong nandiyan sila. Para naman may pakinabang sila sa pagsunod-sunod nila.

Ang kapal ko siguro para isipin na tutulungan nila ako. Pero kailangan ko talagang sumugal ngayon. Si Manang Esme, hindi makausap. Hindi pa kami sure sa kwaderno niya. Susugal ako sa dalawang babaeng 'to.

"May itatanong ako tungkol sa kapatid mong si Norma," sabi ko pa.

Saglit siyang napasulyap sa akin. "May napapansin ka ba sa kanya?"

Umiling ako. "May nararamdaman akong iba," sabi ko. Ganito rin ang nararamdaman ko kay Atticus, e. Na parang pamilyar siya sa akin. Hindi ko maintindihan. Kinakabahan ako sa kanila pero parang pamilyar ang presence nila sa akin. "Magkapatid ba talaga kayo?"

Napalingon siya sa bahay nila. Nasa loob no'n si Norma, gumagawa na naman ng mga handicrafts. Mahilig siyang gumawa ng maliliit na basket. "Magkapatid kami, Binibini. Ngunit ngayon, hindi na rin ako sigurado. Simula nang mag-pitong taong gulang siya, may kakaiba na sa kanyang mga ikinikilos. At napatunayan ko iyon noong magkasakit ako," bulong niya. Agad niya akong hinila palayo sa bahay para hindi kami marinig ni Norma. "Minsan, nagsasalita siyang mag-isa. Hindi ko nakikita kung may kausap siya o wala. Iniisip ko nga minsan na baka tinatakasan na rin siya ng bait. Ngunit noong nagkasakit ako, siya ang nagpagaling sa akin. Masyadong mabilis ang aking paggaling. Simula no'n, nagsunod-sunod na ang mga taong nagpapagamot sa kanya. Kahit malulubhang kalagayan na hindi kayang gamutin ng mga doktor ay kaya niya."

Medyo napakunot ang noo ko at saka napalingon sa kanilang bahay. "Hindi naman ba siya nawala nang ilang araw?" Kasi may kutob ako na baka dinala rin siya sa mundo ng mga engkanto tapos pagbalik niya, hindi na siya si Norma na kapatid ni Alisha.

Nag-aalangang umiling si Alisha. Masyado yatang specific ang pagkakatanong ko. Baka naguluhan siya. "Hindi naman, Binibini. Ngunit minsan, sinasabi niya na wala siyang naaalala kapag nanggagamot siya. Hindi rin siya nagsasalita o nakakausap kapag nanggagamot siya kaya kailangan ko siyang alalayan. Pakiramdam ko ay sinasapian siya upang makapanggamot."

"Paano nangyayari 'yon?" gulong-gulong tanong ko.

Umiling siya. "Hindi ko rin alam. Ngunit ang mahalaga ay nakakatulong siya sa marami. Siya rin ang gumagawa ng mga gamot na aming ibinibenta. Ngunit habang tumatagal, natatakot din ako dahil hindi ko alam ang tunay na nangyayari sa kanya. Kaya naiisip ko rin kung pupunta ba kami kay Padre upang ipagdasal siya. Dahil hindi ko na talaga alam ang gagawin." Namamasa na naman ang kanyang mga mata ngunit pinipigilan niyang umiyak. "May nakapagsabi sa amin na nandito raw ang isang matandang may kaunting nalalaman sa mga engkanto. Baka nga naengkanto si Norma kaya nais ko ring makausap ang matandang iyon."

"Si Manang Esme?" tanong ko na kinagulat niya at mabilis na tumango. "Gusto ko ring makausap si Manang Esme kaso hindi na raw ito nagsasalita. Palagi na lang nakatulala. Alisha, pakiusap," agad kong hinawakan ang kanyang mga kamay. "Tulungan niyo muna ako. Gusto kong gumawa si Norma ng bagay na pangontra sa kapangyarihan ng mga engkanto upang hindi nila ako malinlang. Kailangan ko kasing makapasok sa kanilang mundo dahil nando'n ang kaibigan ko. Nando'n din ang iniibig ng taong tumulong sa atin kanina. Tulungan natin siyang maibalik dito ang mahal niya."

Medyo nanlalaki ang mga mata ni Alisha. Nagsimula na ring manginig ang mga kamay niya. "D-Delekado 'yang pinaplano mo, Binibining Monica. Alam mo bang ang mga nakakapasok doon ay hindi na nakakabalik pa?"

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now