Untitled Part 3

51 5 3
                                    

"Gaano mo kakilala si Ofelia?" bulong ko kay Vida habang inaayos namin ang mga pinggan sa lamesa dahil maghahapunan na kami.

Halos kalulubog lang ng araw pero kakain na kami. Sobrang aga naman yata ng dinner? Pero sabagay, maaga rin kasi kaming gigising bukas. Grabe, sana makatulog ako nang maaga mamaya. Kahapon kasi, nakatulog ako nang mahimbing dahil kinwentuhan ako ni Vida dagdag pa na sobrang sakit ng buong katawan ko. Pagod na pagod din dahil sa mga sunod-sunod na nangyari sa buhay ko. Pero ngayon, walang masyadong nangyari, e. Nagtrabaho lang ako sa karenderya. Dahil malinis na akong tingnan, hindi na ako nakilala ng mga taong pinagkamalan akong baliw.

Mukhang malaking adjustment ang mangyayari sa body clock ko. Sanay kasi akong matulog ng 12MN onwards at gigising ng 5AM. Dito, 8PM pa lang yata ay borlogs na kami. 3AM ang gising.

"Bakit?" bulong din ni Vida sabay sulyap kay Aling Naning na nasa kabilang lamesa at nagbibilang ng pera. Si Mang Carding ay nasa labas at inaayos niya iyong mga gamit niya roon. Pati mga manok na alaga. "Huwag mong sabihing seryoso kang hahanapin mo rin si Senyorita Ofelia? Naku, delekado, Monica."

"Mag-iingat naman ako. 'Tsaka hindi ko ipapahalata na hinahanap ko si Ofelia. Kaya nga sa 'yo na lang ako nagtatanong para ligtas. Kung totoong may nagtatago sa kanya, sigurado akong gagawin niya ang lahat para hindi siya mahuli nina Heneral Adriano. Pero kung hindi niya alam na may ibang taong hindi niya kilala ang naghahanap dito, madali ko siyang mahuhuli," paliwanag ko na agad kong tinigilan dahil napalingon sa amin si Aling Naning habang medyo nakakunot ang noo. Medyo nakakatakot din ang tingin niya dagdag pa na katabi niya lang ang kandila. Eerie ang dating.

"Tila dalawa kayong bubuyog na nasa tabi ng gasera riyan," puna ni Aling Naning. "Ako ba ang pinag-uusapan ninyo?"

Pilit kaming ngumiti ni Vida. Halos magdikit na rin ang ulo namin. "Ang ganda niyo po kasi," sabay naming sabi dahilan para mapailing na lang si Aling Naning at muling bumalik sa pagbibilang ng pera. Nagkatinginan na lang din kami ni Vida at hindi na nagsalita pa hanggang sa magsimula na kaming kumain.

"Kamusta naman ang unang araw mo sa trabaho, Monica?" tanong ni Mang Carding. Sa kanan niya si Aling Naning, sunod ako, tapos sunod si Vida. Paikot kami kaya kaharap ko si Mang Carding.

"Maayos naman po. Kahit papaano ay nawala po 'yong pananakit ng katawan ko dahil nakagalaw-galaw po ako," sagot ko. Unti-unti na ring nawawala ang pananakit ng dibdib ko. Baka tama si doctor Benitez---nasobrahan lang ito sa pumping.

Napangiti si Aling Naning. "Inaamin ko, noong una ay nagduda kami ni Carding. Kako ay mukhang hindi mo kakayanin ang magbanat ng buto. Ngunit kami ay nagkamali. Tila magaan din ang loob sa iyo ng mga tao. Magaling kang makisama," puna niya kaya napangiti ako at bahagyang napayuko. Bigla akong nahiya.

"Sanay naman po akong magtrabaho," nakangiting sabi ko. "Noong nag-aaral pa po ako, tumatanggap na ako ng tutee. Nagsusulat din po ako para sa mga ginagawang film. Nang makapagtapos po ako, nagtrabaho agad ako habang nagre-review." Napatigil ako sa pagsasalita nang mapansing nakatulala na lang sila sa akin habang gulong-gulo ang mukha dahil hindi nila maintindihan kung ano ang ibang sinabi ko. Mahina akong natawa at umiling. "Basta po gagawin ko ang lahat para hindi kayo magsisi na tinanggap niyo ako rito."

"Pansin ko na kakaiba kang manalita, Monica," puna ni Vida na tinanguan naman nina Aling Naning at Mang Carding. Muli kang nagpatuloy sa pagkain. "May mga salitang tila hindi naman wikang Kastila."

"Natutunan ko lang iyon sa Hong-Kong. Wikang Ingles ang ibang salitang ginagamit ko. May mga amerikano kasi roon na nadadayo," palusot ko. Tama pa ba 'tong pinagsasasabi ko? Sa ganitong pagkakataon ako kinakabahan kasi baka mali-mali pala ang natutunan ko sa school.

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now