Kabanata 7

0 0 0
                                    

_________

Kabanata 7
__________

Marahil ay hindi ko pa alam ng lubusan ang mga bagay na nangyayari sa mundong kinabibilangan ko. Hindi ko alam o kabisado ang bawat galaw ng mga taong nasa paligid ko. Gulong-gulo ako. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari.

Matapos nga nang nangyari kanina ay isinama nila ako sa sinasabi nilang studio nila. Medyo mangmang ako sa mga panibagong pananalita nila at maging sa lugar na napuntahan ko kung kaya't kahit nag-aalinlangan ma'y minabuti ko na lamang na sumama sa kanila.

Prank lamang umano ang mga nangyari kanina. Prank na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin batid kung para saan. Sa tuwing susubukan ko naman na itanong muli ang tungkol sa bagay na iyon ay pinagtatawanan nila ako. Seryoso naman ako ngunit hindi ko batid kung bakit sila tumatawa.

"Taga saan ka?" Tanong ng matabang lalaki na may hawak ng sinasabing camera kanina.

"Sa bundok."

Hindi ako mapakali sa kinauupuan ko. Panay linga ako sa paligid at hindi maiwasang mamangha sa ilang kakaibang bagay na naririto sa silid.

"Saan na bundok?"

Ibinalik ko sa kaniya ang tingin. Abala siya sa panonood sa kung anumang bagay na nasa harapan niya. May gumagalaw na kung ano sa loob niyon.

Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili kung paanong nakapasok ang mga taong iyon sa bagay na gamit niya. Maliit lamang kasi ang bagay kung saan siya nanonood.

"Bundok namin."

Matapos kong isagot iyon ay binalingan niya ako ng tingin at saka malakas na tumawa.

Mas lalong nakunot ang noo ko sa paraan ng pagtawa niya.

Ganoon ba kasi talaga ang mga tao rito? Mga masayahin sila?

"Komedyante ka rin, ano?" Tumatawang sabi niya.

Minsan na akong nag-aral ng ilang salita sa tulong ni ama. Kahit hindi ako sanay sa mundo na kinagisnan nila ay nauunawaan ko pa rin ang ilang bagay na hindi ko madalas na ginagamit noon. Alam kong ang ibig niyang sabihing komedyante ay ang taong nagpapatawa.

"Hindi. Seryoso naman ako hindi ba?" sagot ko na ikinatigil niya.

"Oo pero..."

"Heto, kumain kana muna." Putol ni Trina, ang babaeng tinulungan ko kanina. May dala siyang plato na may laman na pagkain na hindi ko alam kung ano ang tawag. Mukha naman iyong masasarap.

"Maraming salamat."

Inabot ko ang ibinibigay niyang pagkain. Pinakatitigan ko ang pagkain na naroon. Unang beses ko pa lamang na makakita ng ganoong klasing pagkain. Sanay lamang kasi ako sa mais, kamote, at kung ano pa na tanim namin sa bukid.

"H'wag kang mag-alala, walang lason 'yan." Anang muli ni Trina nang mapansin na titig na titig ako sa pagkaing ibinigay niya.

Tumango ako at sinimulang sipating muli ang pagkain gamit ang kubyertos. Hindi ko rin napigilan na hindi iyon amuyin bago tikman.

Amoy pa lamang ay mukhang masarap naman iyon. Kumuha ako ng kaunti saka dahan-dahan na tinikman iyon. Unang subo'y agad kong nalasahan ang kakaibang lasa. Masarap siya at hindi ko maitatanggi na nagustuhan ko agad siya. Dahil sa kakaibang luto iyon ay agad akong sumubong muli nang maubos ang pagkaing nasa bibig ko. Para akong hindi pinakain ng ilang araw sa paraan ng pagsubo ko. Takam na takam ako.

"Dahan-dahan lang. Marami pa sa loob kung gusto mo pa."

Tila sumaya ang pakiramdam ko sa narinig na sinabi ni Trina. Gustong-gusto ko kasi ang pagkain na ibinigay niya.

The Gifted Unknown Where stories live. Discover now