Kabanata 1

4 0 0
                                    

"The castle has built but soon
it will be ruined by an
unknown gifted creature."
-unknown


_________

Kabanata 1

_________

"Tumayo ka!"

Tumatagak ang pawis sa aking buong katawan habang patuloy din sa pagbulwasak ang dugo mula sa aking isang braso. Halos mapaluhod ako't humandusay sa lupa dahil sa lakas nang kaniyang pagkakasipa.

"Tayo!" Ma-awtoridad niyang utos sa akin na hindi mababakas ang anumang pag-aalala sa boses.  Nakatayo siya malapit sa kinaroroonan ko habang ang tabak na hawak ay nakatutok sa akin. Ang dulo nang hawak niyang tabak ay may tumutulong dugo na siyang galing sa aking bisig na nasugatan.

Habol ang hininga at habang pilit iniinda ang kirot mula sa sugat ay sinubukan ko pa ring tumayo at harapin siya. Mahigpit kong hinawakan ang gamit kong espada at muling hinanda ang sarili sa laban.

Maraming beses na kaming naglaban ngunit ni-isang beses din ay hindi pa ako nananalo sa kaniya. Magaling siya't alam niya kung paano bumasa ng galaw ng kalaban. Aminado ako sa sarili na kahit kailan ay hindi ko kayang tapatan ang kaniyang husay at lakas sa pakikipaglaban.

Napalunok ako't mas lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa armas. Tinitigan ko ang blangko niyang pagmumukha. Hindi ko mabasa ang iniisip niya at hindi ko rin batid kung ano ang sunod na gagawin niya. Maraming beses ko ng sinubukang pag-aralan ang galaw niya ngunit hindi ko pa rin siya mahuli-huli. Hindi siya magaslaw ngunit may kasiguraduhan ang kaniyang bawat atake.

Sa kabila ng payat niyang pangangatawan ay siya namang galing niya sa pakikipaglaban. Hindi ko pa siya kailanmang nasusugatan.

Bago tuluyang sumugod ay tatlong beses na magkakasunod na buntong-hininga muna ang aking pinakawalan.

Kinakailangan kong manalo sa labanang ito....kahit isang beses.

"Ahhh!"

Kasabay ng aking pagsigaw ay ang siyang paghagis ko sa ere sa hawak na espada. Kasunod niyon ay mabilis akong gumalaw upang sipain siya. Nakaiwas siya sa unang atake ko at ako pa ang kaniyang nasugatan  muli. Ipinagsawalang bahala ko ang mga dugong umaagos sa aking katawan dulot ng sugat na natamo. Muli ko siyang inatake at humanap ng tsansa upang matamaan siya. Noong balak niya akong atakihin gamit ang kaniyang tabak ay agad kong pinangharang ang espada. Malakas siya at halos lumapat na rin sa aking dibdib ang espada't tabak.

Ang adhikaing matalo siya'y ang siyang nagpalakas sa akin upang lumaban. Buong lakas Kong itinulak ang kaniyang espada palayo sa akin at saka siya sinipa. Dahil doon ay nawala siya balanse't muntik nang mabitawan ang hawak na armas. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras, nang makita ko ang pagkakabigla niya'y muli ko siyang inatake. Tumalon ako sa punong malapit sa kinaroroonan niya at umikot sa ere bago siya patamaan.  Tumilapon sa hindi kalayuan ang kaniyang tabak at muntik pa siyang mapaluhod sa lupa dahil sa tindi ng aking pagkakasipa. Balak niya pa sanang kunin ang tabak ngunit agad ko na iyong inapakan at tinutukan siya ng espada.

Magaan akong napangiti dahil sa isiping  natalo ko siya. Hindi ako makapaniwala na makakaya ko siyang matalo.

Humakbang ako palapit habang nakatutok sa kaniya ang hawak kong espada. Umiling siya ngunit walang kahit na ano pa ring reaksyon ang nasa kaniyang mukha. Wala pa rin akong nababasang kahit na ano sa kaniya.

Dahil sa isiping natalo ko na siya't tapos na ang laban ay nagpasiya na lamang akong ibaba ang espada. Kita ko ang tila pagtataka sa mukha niya, umarko pa ang mga kilay niya na animo'y inaasahan ang aking ginawa.

Sa kabila rin ng dumurugo kong braso dahil sa mga sugat ay minabuti ko pa ring i-abot ang kamay sa kaniya upang tulungan siya sa pagtayo.

"Nanalo—"

Hindi ko natapos ang dapat sanang sasabihin nang hilahin niya ang kamay ko. Sa isang iglap ay ako na ang natututukan niya ng espada.

"Sa isang laban, hindi puso ang pinai-iral kundi ang isipan." Matapos niyang bitawan ang mga katagang iyon ay inihagis niyang muli pabalik ang espada sa akin. Dinampot niya ang kaniyang tabak saka nagpasiyang maglakad palayo.

Isang malalim na buntong hininga na lamang ang nagawa ko habang nakatanaw sa kaniya.

Akala ko'y panalo na ako, hindi pa rin pala.

Napaupo ako sa damuhan, itinukod ang mga bisig sa gilid upang sumuporta sa aking katawan at saka tinanaw ang malinis na kalangitan. Napaka-payapa ng paligid at napaka-dalisay din ng hangin. Walang kahit na anong kaguluhan o ingay. Masarap sa pakiramdam, nakakawala ng pagod at sakit.

Nagmulat ako ng mga mata saka pinagmasdan ang aking mga sugat na unti-unti ng humihilom. Wala ng dumadaloy na dugo mula sa mga sugat, ilang sandali lamang din ay mawawala na rin ang mga ito.

Sanay akong masugatan lalo na kapag nagi-ensayo kami ni ama. Madalas niya akong masugatan, ang ilan pa nga'y malala at malalim na halos butasin na ang buo kong katawan ngunit kahit kailan din ay hindi nangangamba si ama roon sapagkat lahat ng aking sugat ay kusang naghihilom. Hindi ko kinakailangan gamutin o kaya nama'y magtiis sa sakit dahil ilang sandali lamang pagkatapos kong masugatan ay kusa na iyon na humihilom.

Maituturing na kakaiba ngunit ayon kay ama ay hindi ako dapat na mangamba o matakot dahil dito, espesyal umano ako at wala akong dapat na ipag-alala.

Lagi lamang na paalala ni ama na mag-iingat ako't isaalang-alang ang mga turo niya, lalo na ang tungkol sa pakikipaglaban dahil wala umano akong ibang maaasahan kung hindi ang sarili ko lamang. Hinahanda niya ako sa mas malaking labanan, labanang hindi ko pa batid kung para saan.

"Alisin mo ang takot sa iyong dibdib, maging matapang ka. Wala kang dapat katakutan, walang sinuman o anuman."

Bata pa lamang ako ay iminulat na ako ni ama sa reyalidad ng mundo at buhay. Natuto akong tanggapin ang kung anumang mayroon ako at ang mga kababalaghang nangyayari sa sarili ko. Hindi naman ito naging balakid para sa akin bagkus ay naging instrumento pa ito upang maging mahusay sa lahat ng bagay na itinuturo ni ama.

"Eli!"

Naibaling ko agad ang aking ulo sa pinanggagalingan nang boses. Nang makita ko si ama na nasa kubo't may hawak na makapal na libro'y agad akong tumayo. Mag-aaral kami.

Ang pangalang ibinigay sa akin ni ama'y nangangahulugan umanong regalo ng maykapal. Espesyal ako para kay ama, at sa kabila din nang pagiging istrikto niya'y alam kong mahal niya ako bilang anak niya.

Malayo kami sa sibilisasyon, hindi ko alam kung ano'ng nasa likod ng matataas at makapal na kabundukan na nakapaligid sa amin. Mula pagkabata'y ako at si ama lamang ang laging nagkakasama. Tanging mga hayop at halaman lamang din ang libangan at kalaro ko. Nasa gitna kami ng malawak na borol at kabundukan. Sanay ako sa ganitong pamumuhay ngunit minsa'y napapaisip din ako kung ano ang pakiramdam nang may nakakausap akong ibang tao. Tila ba nakakasabik ang ganoong kaganapan.

"Elijeya!"

Tawag muli ni ama kaya naman ay agad akong  naglakad patungo sa aming munting tahanan.

"Nandiyan na po, ama!" Sagot ko pabalik. Habang naglalakad patungo sa aming tahanan ay napahinto ako nang matanaw ang katapat na kabundukan.

Sa tuwing nakikita ko ang kabundukang iyon ay hindi ko mapigilan ang sarili kong mapaisip ng malalim. Sa lahat kasi ng burol o bundok na nakapalibot sa amin ay tanging ang kabundukan lamang na iyon ang pinaka-pinagbabawal sa akin ni ama na puntahan ko. Hindi ko alam kung bakit sapagkat wala rin naman siyang sinasabi o ipinapaliwanag tungkol doon, ngunit gayunpaman ay darating din ang panahon na malalaman at malalaman ko rin ang nakatago sa likod ng kabundukan na iyon. Masasagot din ang mga katanungan na matagal ko ng tinatanong.

Balang araw.

The Gifted Unknown Where stories live. Discover now