Kabanata 5

2 0 0
                                    

__________

Kabanata 5
__________

Isang panaginip lamang ang pangyayaring iyon. Panaginip lamang ngunit tila ba totoo.

Tatlong araw na ang nakalipas at maayos na rin ang pakiramdam ko ngunit patuloy pa rin akong ginagambala ng panaginip ko. Para ba kasing totoo lahat. Gusto kong sabihin iyon kay ama ngunit nangangamba ako. At saka, panaginip nga lang iyon. Bukod sa mga punong matataas at malawak na bundok ang tanging nakapalibot sa amin ay hindi ko pa kailanman nasisilayan ang ganoong lugar. Wala pa akong nakikitang maraming tao. Hindi maniniwala si ama sa sasabihin ko kung sakali.

"Eli!" Naibaling ko agad ang aking paningin kay ama nang tawagin ako nito.

"Po, ama?" Malumanay kong wika habang papalapit sa kaniya.

Oras kasi ng aming pag-eensayo ngunit ang isip at katawan ko'y tila ba ayaw makiayon. Masiyadong magulo ang isipan ko.

"Oras ng ensayo ngunit ngayo'y hindi tabak ang gagamitin." Aniya at pagkuwan ay itinaas ang basket na dala.

"Ano po 'yan, ama?" Nagtatakang tanong ko dahil mistulang kakaiba ata iyon.

Inilabas nito ang bagay na nasa loob ng basket at gayo'n na lamang ang aking pagkabigla.

"Alam kong nakita mo na ito noong nakaraang araw." Ibinaba niya ang hawak na basket upang mahawakang mabuti ang bagay na nasa loob niyon kanina. "Oo, katulad ito ng nakita mo na dala-dala ng mga lalaki sa kagubatan." Dagdag pa niya at saka iniabot sa akin ang bagay na iyon.

"Ama? A-ano ito?" Naguguluhan pa ring tanong ko habang nakatingin sa hawak ko.

"Ang tawag diyan ay baril. 45 calibre. Kung titingnan mo'y maliit lamang siya ngunit maari mong mapatay agad ang kalaban gamit 'yan." Paliwanag niya at saka muling kinuha sa mga kamay ko ang tinutukoy niyang baril. "Kinakailangang maging maingat ka sa paggamit nito dahil hindi ito basta-basta. Ang paggagamitan lamang dapat nito ay para sa mabuti at hindi sa masama."

Nakinig lamang ako kay ama. Oo nga't maliit lamang iyon ngunit sadya nga sigurong mas kapaki-pakinabang sa isang labanan. Siguro nga'y malakas iyon.

"Nakikita mo ang bote na iyon?" Ani ama habang tinuturo ang bote na nakatayo sa ibabaw ng putol na kahoy. Medyo malayo ito sa amin. "Maaari mo iyong tamaan kahit na nasa malayo ka gamit lamang ito."

Itinuro niya sa akin ang tamang posisyon ng baril at kung paano ito ikinakasa bago gamitin.

Pinakatitigan ko kung paano niya iyon ginagawa at gayundin ay pinakinggan na mabuti ang kaniyang mga sinasabi.

"Tingnan mong mabuti ang target at saka mo galawin ang gatilyo..." Kasunod niyon ay ang siyang alingawngaw ng pamilyar na tunog sa buong paligid.

"Tingnan mo ang bote na buo kanina." Aniya na agad ko namang tiningnan. Wasak na ito at nasa lupa na.

Hindi ko mapigilang hindi mamangha dahil sa nasaksihan ko. Ngayon ko lamang iyon nasaksihan sa buong buhay ko. Bukod pala sa tabak o sa arnis na itinuro sa akin ni ama ay maaari din pa lang gumamit ng ganito. Oo at maganda nga naman siyang armas ngunit kagaya nga ng sabi ni ama ay kinakailangang maging maingat sa paggamit nito at kinakailangan na sa mabuti lamang iyon gagamitin.

"Ikaw na muna ang bahala rito." Nagtataka kong tiningnan si ama nang iwika niya iyon. Isinasaklay na niya ang kaniyang tabak at nakapampalit na rin siya ng kasuotan. Katatapos pa lang ng aming pag-eensayo ngunit tila nagmamadali na siya.

"Saan po kayo pupunta, ama?" Tanong ko habang nagtataka pa rin na nakatingin sa kaniya. Hindi pa naman kasi katapusan ng buwan kung kaya't nakakapagtaka lamang kung bakit siya aalis muli.

The Gifted Unknown Where stories live. Discover now