Kabanata 2

3 0 0
                                    

"Where everything is silent,
chaos is predominating."
unknown;

_________
Kabanata 2
_________

Dalawang linggo ang agad na lumipas at sa buong linggong iyon ay ginugol namin ni ama ang buong oras sa pag-eensayo, pisikal man o intelektuwal.

Dalawang linggo ang lumipas at katapusan na nga rin ng buwan ibig sabihin nito ay kinakailangan na naman ni ama na bumaba ng bundok. Limang araw ang kadalasang itinatagal niya bago makabalik at sa kaniya ngang pagbabalik ay may mga dala na siyang panibagong kagamitan katulad ng mga libro, damit, mga kasangkapan sa bahay, mga panibagong sandata, at kung ano-ano pa. Hindi ko alam kung saan niya iyon nakukuha ngunit kung saan man iyon ay alam kong mula iyon sa mabuti. May tiwala ako kay ama.

"Ama, naihanda ko na po ang mga dadalhin niyo. Nakahanda na rin po ang kabayong gagamitin niyo sa paglalakbay." Ani ko nang maisaklay ang kaniyang mga dadalhin sa likuran ng kabayo. Ilan sa mga dala niya'y mga prutas at gulay, may ilang manok din, at ang kaniyang baon na pagkain para sa kaniyang paglalakbay.

"Salamat. Ikaw na ang bahala rito. Ang mga bilin ko, huwag mong kakalimutan." Aniya habang isinasaklay ang sandata. Isinuot niya na rin ang sumbrero na gawa niya mismo.

"Opo, ama. Mag-iingat po kayo." Muli kong wika at saka ngumiti sa kaniya.

Hindi na siya sumagot bagkus ay tinanguan niya na lamang ako bago sumakay sa kabayo. Bago rin siya tuluyang umalis ay nginitian niya muna ako, ngiti na minsan ko lamang makita mula sa kaniya. Nakakagaan lamang sa pakiramdam sapagkat alam kong mahal ako ni ama kahit pa kadalasang mainitin ang ulo niya, lalo na kapag nag-eensayo kami. Naiintindihan ko naman sapagkat alam kong kapakanan ko lamang ang kaniyang iniisip. Nais niyang matuto ako kung kaya't masiyado siyang istrikto.

Nang simulan niyang patakbuhin ang kabayo'y tanging tanaw na lamang ang aking nagawa. Alam ko namang babalik siya ngunit hindi ko mapigilang hindi malungkot, mag-iisa na naman kasi ako rito. Hindi naman ako natatakot ngunit nag-aala lang ako para kay ama. Alam ko rin namang kaya niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili ngunit sa tuwing naaalala ko kung paano niya ilarawan ang katapat na bundok at ang lugar na kaniyang pinupuntahan ay hindi ko magawang hindi mag-alala. Mabangis umano kasi ang mga naroon, sobrang bangis na hindi ko kailanman nanaising makita.

"Katulad ng mga mababangis na hayop na nasa kagubatan, sila'y nananakmal, maaari kang patayin at dakmain ng buhay. Maamo ang kanilang mga mukha ngunit may mga nakatagong pangil sa kaninang mga bibig. Wala ring panama itong gamit nating sandata sapagkat kahit sa malayo'y maaari kang tamaan ng gamit nila. Marami sila at hindi mo nanaising makasama o kahit pa kaibiganin ka. Sila'y mapagbalatkayo na hindi mo agad malalaman kung sino ang totoo."

Ganoon niya kung ilarawan ang mga ito. Gayun na lamang siguro talaga kabangis ang mga naroroon.

Mula sa aking kinatatayuan ay muli kong tinanaw ang katapat na kabundukan. Hindi ko maiwasang hindi mapaisip sa kung anong misteryo ang nakabalot sa lugar na iyon. Kung pagmamasdan nama'y para iyong dalisay at payapa kung kaya't hindi ko mawari kung bakit iyon nasabi ni ama.

Malalim akong napabuntong-hininga. Wala naman kasi akong ibang magagawa kung hindi ang pagmasdan lamang iyon. Marami mang katanungan ang bumabagabag sa 'king isipan ay hindi ko naman magagawang tuklasin iyon dahil ayaw ni ama.

Nang umaga ring iyon ay sinimulan ko na lamang ang mga gawaing naiwan at iniatas sa akin ni ama.  Isininantabi ko na lamang ang tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa akin. Kahit wala rin si ama'y kinakailangan ko pa ring mag-ensayo, kailangan kong maging mahusay dahil iyon ang sabi niya, hindi ako dapat magsayang ng oras.

The Gifted Unknown Where stories live. Discover now