𝐢𝐢𝐢.

347 12 10
                                    

[ Kabanata 3 — Ang Unang Pagkikita ]

"Paano nga ba tayo makakaranas ng progreso kung hindi natin pag-aaralan at pahahalagahan ang ating sariling nakagisnan?" Hindi pa rin matanggal-tanggal sa isipan ni Miriam ang tinuran na iyon ng kanyang propesor. Ang pagbabago ay pasulong, hindi paurong. Ito'y nag-iiba, nagpapalit ng anyo, at umiikot hindi lamang sa takbo ng nakalipas, kundi pati na rin sa hinaharap. Kakitigan nga ba ng utak sa pagkamit ng karunungan, o ng pagnanasang humulagpos sa alaala ng nakaraan at yakapin ang sibol ng kasalukuyan....

Ayuda, Padre Zamora! ¡Hay alguien aquí!" Paulit-ulit na tila isang kampanang umalingawngaw ang mga katagang iyon sa aking isipan. Hindi ko pa rin batid kung ako ba'y nawalan ng malay dahil
sa pagkagulat o dahil sa kulapol ng sinag na nanggaling sa lamparang hawak ng taong bigla na lamang sumulpot sa likuran ko.

Marahan kong iminulat ang aking mga mata at aking nahanap nanaman ang aking sarili sa isang kwartong hindi ko pa lubos na nakikita sa aking buhay. Napansin ko rin na ako'y nakabihis sa isang kasuotang hindi ako pamilyar at hindi ko suot ang aking mga panloob na sadya kong ipinagtaka.

Tumayo ako at binigyan ng siyasat ang kwartong aking kinalalagyan. Ang aking kinahihigaan ay mula sa makinis at masinsin na pagkakagawa ng mga kahoy at tila ay naaamoy ko pa ito. Maliwanag ang kwarto dala na rin ng malalaking bintana na gawa sa capiz na nakaharap sa sinag ng araw. Dumungaw ako sa bintana at nahinuha ko na hindi pangkaraniwan ang mga gusali na aking nakikita.

Puro gawa sa bato at sadyang luma ang anyo ng arkitektura ng mga gusali at napansin ko rin na hindi makabago ang mga kagamitan na ginagamit ng mga tao sa baba. Ang lubos na nakapagtaka sa akin ay kung saan ba ako nadala ng tulog ko. Napapikit ako habang nauulinigan ang kanta ng mga dumaraang ibon. Isa ba itong panaginip, isang pangitain, o panimula ng isang bangungot? Nasaan ba talaga ako at sino ang taong sumalubong sa akin ng kanyang lampara?

Nakabalik ako sa aking huwisyo nang may kumatok sa pintuan. Hindi ako nakaimik at imbes ay napalitan ng kaba at pag-aalinlangan ang aking sarili. Dali-dali akong bumalik sa aking kama at binalot ang aking sarili ng kumot. Nang sa ikatlong beses ay kumatok ang tao sa labas at wala pa ring bumalik na tugon ay binuksan na nito ang pinto at nakita ko ang isang madre na nababalutan ng itim na kasuotan at isang kasama niya na hawak ang kasuotan ko bago ako nawalan ng malay.

"Por la gracia de Dios, finalmente estás despierta, jovencita." (Sa awa ng Diyos, nagising ka na rin sa wakas, binibini) Sambit niya na hindi ko naunawaan. "A-ano po?" Nagugulumihanan kong tugon. "Nagagalak kami na ika'y nakagising na, binibini." Saad ng kasama ng madre. "Ah." Aking tugon.

May binulong ang madre sa kanyang kasama na nasundan naman ng isang pagtango ng katulong. Lumapit ang babae sa akin at binigay ang aking kasuotan. "Mabuti't nanumbalik na ang inyong ulirat, señorita. Pinakaba niyo ang buong kapilya nang natagpuan kayo ng mahal na padre kaninang madaling araw." Paglalahad niya sa akin. Tumaas ang aking kilay. "Huh eh.... nasaan ba ako at bakit ang weird naman ng lugar na 'to?" Tanong ko. Kasunod naman na tumaas ang kilay ng katulong. "Weird? Ano po ang inyong tinuran?"

"Ah wala...." Sambit ko na lamang. "Maraming salamat po, madre." Aking pagpapasalamat na bumalik sa akin sa pamamagitan ng isang simpleng ngiti sa madre. "Oh siya, maiwan ko muna kayo upang makapagpahinga ka ng mabuti at nang manumbalik ang lakas mo, hija. Dolce, ikaw na ang bahala sa kanya, ha?" Pagbibigay ng responsibilidad ng madre na sinang-ayunan naman ng katulong. Umalis na ang madre at isinara ang pinto ng kwarto.

𝗽𝗮𝗱𝗿𝗲 || 𝗮 𝗵𝗶𝘀𝘁𝗼𝗿𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗳𝗶𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻Where stories live. Discover now